![]() |
| Photo: |
Papalubog na ang
araw.
Mula sa kinatatayuan
niya kitang-kita niya ang bawat galaw ng nasa ibaba.
Mabagal ang takbo ng
mga sasakyang puno ng mga pagod na katawang nais ng makarating sa paruruonan.
Mabilis ang hakbang
ng mga taong gusto nang makatakas sa maingay na kalsada.
Kahit ganun pa man,
ramdam niya ang saya ng bawat isa na makauwi at makasama ang mga nag-aantay.
Ramdam niya na may
sigla ang bawat hakbang kahit mabigat ang dalang plastic na may lamang
pang-hapunan.
Ramdam niya na
merong maaabutan ang bawat uuwi sa kani-kanilang tahanan. Inang nag-aantay.
Asawang sabik sa yakap. Anak na handang magkuwento.
Samantalang siya,
eto, nag-iisa, nakatingin sa kawalan. Ramdam niya ang lungkot. Ramdam niya ang
lalong pagkahulog sa mas malalim na kakulangan.
Gusto man niyang
ipagsigawan na mahina siya, pero sino ang maniniwala?
Gusto man niyang
ipaalam na kaylangan niya ng karamay, pero sino ang dadamay?
Gusto niyang umiyak.
Umiyak. Umiyak.
Dumating na sa punto
na gusto na niyang itigil ang pag-ikot ng mundo.
Mula sa kinatatayuang
rooftop ng pinakamataas na gusali, isang hakbang lang, matatapos ang lahat ng
lungkot, mawawala ang kahungkagan.
Nakapagdesisyon na
siya. Isang hakbang lang.
Isang hakbang lang
at bumulusok na siya paibaba.
At paitaas.
Nakalimutan niya.
Siya nga pala si
Darna.

No comments:
Post a Comment